Opisyal nang nagpaalam ang 6-foot-5 forward na si Mark Belmonte sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons upang harapin ang bagong yugto ng kanyang collegiate career sa NCAA, o ang tinaguriang “Grand Ol’ League.”
Matapos ang tatlong taon na pagbibigay ng karangalan sa Diliman, baon ni Belmonte ang kanyang “championship attitude” sa paglipat ng liga.
Ayon sa patakaran, magsisilbi muna siya ng isang taong residency (sit-out) ngayong Season 102 (2026) bago maging eligible na maglaro para sa kanyang huling collegiate season sa Season 103 (2027).
Nagpahayag naman ng pasasalamat si UP Office of Athletics and Development Director Bo Perasol sa naging kontribusyon ni Belmonte sa koponan mula Season 86 hanggang Season 88.
“Mark will always have his place as a champion in Diliman. Mula Seasons 86 hanggang 88, we are thankful to him for playing his part in our continued success,” ani Perasol. “We wish him the best at panigurado, he will keep playing his part for his next team.”
Sa loob ng tatlong taon suot ang maroon-and-green, nakapagtala si Belmonte ng kabuuang 12 starts. Sa kanyang huling season para sa State U, nag-average siya ng 3.7 points at 2.4 rebounds bawat laro, kung saan nakatulong siya sa pagkamit ng silver medal finish ng koponan.
Kilala si Belmonte hindi lamang sa kanyang sipag sa loob ng court kundi pati na rin sa kanyang katatagan, lalo na matapos niyang malampasan ang isang seryosong insidente noong 2022 sa isang preseason game.
Ngayon, inaasahang magiging mahalagang asset siya sa anumang NCAA team na kanyang pipiliin dahil sa kanyang karanasan sa high-level competition ng UAAP. (Ron Tolentino)
