November 3, 2024

“EMDEN DEEP” DUYAN NG ATING KAPULUAN NA DAPAT AY MAPASA-ATIN

Kumusta mga ka-Sampaguita? Nawa’y di magmaliw ang di nauubos na biyaya ng Panginoong Diyos sa atin.

Nagulat ako sa isang balita na matagumpay na nagalugad at nasisid ng isang Filipino scientist ang “Emden Deep”.Ito pala ang ikatlo sa pinakamalalim na parte ng dagat sa mundo. May lalim itong 34,100 feet sa bandang Philippine Trench.

Kapag inilagay mo rito ang Mount Everest, ala’e hindi makikita dahil may taas lamang itong mahigit sa 29,032 feet.

At dahil malapit ito sa ating teritoryo, tama lang na sa atin ito. Kasama ang scientist mula sa University of the Philippines ang nasabing bangin sa ilalim ng dagat. Siya ang kauna-unahang Filipino na nakarating sa nasabing lugar.

Kasama si Dr. Deo Onda, isang microbial oceanographer sa matagumpay na exploration. Inimbitahan si Onda ng private organization na Caladan Oceanic sa nasabing explorasyon lulan ng DSV Limiting Factor.

Narating ng submarine ang Emden Deep sa loob ng 12 oras. Isa itong milestone sa history ng bansa.

Gayundin si Victor Vescovo, na siyang may hawak ng record na nakasisid sa Mariana Trench noong 2019. Aniya (Dr. Deo), dapat angkinin ng Pilipinas ang Emden Deep.

Gayunman, nakalulungkot na may nauna pa lang makarating doon. Ang mga basura.

Tsk! Saan kaya galing iyon? Samakatuwid, naging dumpsite na rin pala ng mga basura, lalo na ng plastic ang nasabing pook.

Sa ganang atin, dapat na nasa atin ang sovereignity rights ng Emden Deep. Natitiyak natin na malaki ang parte nito sa tagong kasaysayan ng bansa.

Maging ng mga hiwaga at misteryo sa ilalim ng karagatan. Na may kaugnayan sa ating pre-historic existence. Kamukat-mukat, baka diyan pala nakatago ang maalamat na syudad ng Atlantis. Viva La Raza!