May 16, 2024

EFREN “BATA” REYES PINATAY SA SOCIAL MEDIA; “Ok lang ako” – Pinoy billiard champ

MANILA — Maging si Pinoy billiards champ Efren “Bata” Reyes ay hindi nakaligtas sa fake news. Ito’y matapos kumalat sa social media na siya’y pumanaw na.

Sa isang post sa Facebook, mariing itinanggi ng kanyang anak na si Chelo Reyes na namatay na ang kanyang ama.

“Sa mga nagsi-share at nakakabasa ng mga lumalabas na balitang patay na si tatay, huwag po kayo maniwala, FAKE NEWS lang po yan..,” wika ni Chelo sa kanyang post.

DIYOS NA BAHALA SA INYONG NAGPAPAKALAT NG GANYANG BALITA. #DiNakakatuwa kakatapos nag lang niya mag-almusal e..,” dagdag pa niya.

Sinamahan pa ni Chelo ang kanyang post ng video ng billiards champion na kumakaway sa camera.

OK lang ako,” wika ni Reyes sa video sabay taas ng kanyang kamay.

Itinuturing na alamat ng bilyar ang 66-anyos na si Reyes, na apat na beses nagwagi sa World Eight-ball Championship. Gayundin sa WPA World Nine-ball Championship noong 1999.

Kabilang din sa napakaraming titulo ni Reyes, na kilala bilang “The Magician”, ang Derby City Classic at World Cup of Pool.

Noong 2019, nag-uwi si Reyes ng tansong medalya sa Southeast Asian Games.