March 24, 2025

DUTERTE SA ‘PINAS LITISIN – IGLESIA NI CRISTO

Muling iginiit ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kanilang paninindigan na ang mga Pilipinong inaakusahan ng krimen ay dapat litisin sa mga hukuman ng Pilipinas, sa pagsulong ng pambansang soberanya at integridad ng sistemang panghukuman ng bansa.

Ang pahayag ay inilabas sa gitna ng nagpapatuloy na paglilitis sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng INC na si Ka Edwil Zabala: “Ang mga hukom natin ay may kakayahan po na gampanan ang kanilang tungkulin na ipataw ang tamang hustisya at pairalin ang katarungan sa lahat ng sandali. Kaya, hindi natin dapat isuko ang soberenya ng ating bansa sa iba.”

Binigyang-diin pa ni Zabala na may sapat na kapasidad ang hudikatura ng Pilipinas upang magpatupad ng hustisya at parusa sa mga lumalabag sa batas: “Sinumang Pilipino o mamamayan ng ating bansa na may ginawang paglabag sa ating mga batas, dito dapat litisin sa ating bansa.”

Ipinahayag din ng INC ang kanilang pagtutol sa anumang hakbang na lumalabag sa balangkas ng batas ng bansa, at hinimok ang pagsunod sa mga umiiral na alituntunin. “Hindi po sumasang-ayon ang Iglesia sa anumang hakbangin na hindi naaayon sa mga batas ng ating bansa… Kung ano ang tama, at kung ano ang mga nasa batas natin, ‘yun sana ang dapat pairalin.”

Nag-ugat ang pahayag sa mas malawak na talakayan tungkol sa papel ng mga pandaigdigang hukuman sa pagharap sa mga umano’y krimen ng mga opisyal ng pamahalaan. Bagamat kinikilala ng ICC ang hurisdiksiyon nito sa mga kasong may kaugnayan sa crimes against humanity, naninindigan ang INC na may kakayahan ang sistemang panghukuman ng bansa upang hawakan ang ganitong mga usapin.

Ang paninindigan ng INC ay tugma sa mas malawak nitong adbokasiya para sa pambansang pagkakaisa at soberanya. Ayon kay Zabala: “Nagtitiwala ang Iglesia Ni Cristo sa integridad at kakayahan ng hudikatura para pagpasyahan ang ganitong bagay at usapin.”

Noong 2016, opisyal na inendorso ng INC si Rodrigo Duterte sa pagkapangulo. Kilala ang INC sa praktis ng bloc voting, kung saan hinihikayat ang mga miyembro na bumoto sa mga kandidato na inendorso ng pamunuan ng Iglesia. Naging mahalagang tulong ito sa kampanya ni Duterte, lalo’t isa ang INC sa mga pinakamalalaking relihiyosong grupo sa bansa.