
Naglabas ng pahayag ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa viral na insidente sa Antique, kung saan pinatanggal ng isang principal ang suot na toga ng mga estudyante sa graduation, sa pagsasabing ito raw ay “hindi pinapayagan.”
Nilinaw ng DepEd na walang ipinagbabawal na polisiya laban sa pagsusuot ng toga. Ayon sa ahensya, batay sa DepEd Memorandum No. 27, s. 2025 at DepEd Order No. 009, s. 2023, ang pinapahintulutang kasuotan ay casual, formal wear, o school uniform, at maaaring magsuot ng toga o sablay bilang opsyonal na dagdag na kasuotan.
Ipinahayag din ng DepEd ang pagdaramdam sa naging epekto ng insidente sa mga mag-aaral at kanilang pamilya, sa halip na maging isang masayang pagdiriwang.
Dahil dito, isang imbestigasyon ang sinimulan upang alamin ang mga detalye ng insidente at matukoy kung may pananagutan ang sinumang sangkot.
Hinimok din ng DepEd ang lahat ng school officials na laging isabuhay ang propesyonalismo, malasakit, at paggalang, upang maprotektahan ang karapatan at dignidad ng bawat mag-aaral.
Samantala, naglabas din ng pahayag ang Schools Division of Antique, na nagsabing bumuo na ito ng imbestigasyon team at inatasan ang school head at mga kaugnay na opisyal na magsumite ng incident report at intervention plan.
Tiniyak ng tanggapan na hindi ipagkakait sa mga estudyanteng apektado ang kanilang mga diploma, sertipiko, at iba pang graduation credentials.
More Stories
Panahon na Para sa Tunay na Partido, Hindi Personalidad
Ogie Diaz kay Camille Villar: ‘Tubig muna bago pabahay’
PAGASA: MATINDING INIT SA LUZON, POSIBLENG PAGBAHA AT LANDSLIDE SA MINDANAO NGAYONG BLACK SATURDAY