May 17, 2024

DELIVERY HELPER KULONG SA PAGWAWALA (Sa sobrang kalasingan)

Sa loob na ng kulungan magpapahupa ng kanyang kalasingan ang isang delivery helper matapos magwala at maghamon ng away sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang suspek na si Reynante Quilantang, 23 ng Luna II St., Brgy. San Agustin na nahaharap sa kasong Alarms and Scandal.

Sa imbestigasyon ni PSMS Jimmy Maligsay, dakong alas-10:45 ng gabi, isang concerned citizen ang nareport sa mga barangay tanod hinggil sa suspek na lasing at nagwawala sa kahabaan ng Luna II Street.

Nang respondehan ng mga tanod ang naturang lugar, nakita nila ang suspek na nagsisigaw at hinahamon ng away ang bawat makita nito.

Sa tulong ng mga tauhan ni Malabon Police Sub-Station 6 head PLT Manny Ric Delos Angeles, inaresto ng mga tanod ang suspek saka dinala sa himpilan ng pulisya.