Photo credit: MMDA
Opisyal nang hahawakan ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bagong General Manager at kasabay na Spokesperson ng ahensya.
Sa isang press briefing nitong Lunes, Enero 5, ipinahayag ni MMDA Chairman Romando Artes na ang pagluklok kay Torre ay malaking tulong upang mapabilis ang trabaho sa ahensya. Sa ilalim ng bagong setup, magkakaroon si Torre ng direct control sa lahat ng operasyon habang mananatili naman ang superbisyon ni Artes.
“Ang General Manager ang hahawak sa lahat ng operational matters… para makapag-focus ako sa administrative at planning aspects,” paliwanag ni Artes.
Agad na naglatag ng kanyang mga plano si Torre, partikular na sa pagpapabilis ng aksyon sa mga kalsada ng Metro Manila. Target niya ang “benchmark” na limang minutong responde sa mga aksidente at 10 hanggang 15 minutong clearing upang agad na maalis ang anumang bara sa daloy ng trapiko.
Bukod sa trapiko, tututukan din ni Torre ang koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pagdating sa mga flood control measures, mula sa pagpaplano hanggang sa implementasyon nito.
Matatandaang sandaling nagsilbi si Torre bilang hepe ng pambansang pulisya bago ito nasibak noong Agosto 2025, dalawang buwan matapos ang kanyang appointment. Pinalitan siya ni PLTGen Jose Melencio Nartatez Jr. bilang acting PNP chief.
Noong Disyembre 2025, nanumpa si Torre bilang General Manager ng MMDA, isang ahensya na direktang nasa ilalim ng Office of the President. Inaasahang ang kanyang karanasan sa disiplina at pagpapatupad ng batas sa pulisya ay magagamit sa pagsasaayos ng sistema ng trapiko at emergency response sa kalakhang Maynila. (Arnold Pajaron Jr)
