MAYNILA – Naglabas na ng komprehensibong traffic advisory ang Manila Police District (MPD) para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong Enero 2026. Simula alas-9:00 ng gabi ng Enero 8, 2026, ipatutupad ang malawakang road closure at rerouting sa mga pangunahing kalsada sa lungsod upang bigyang-daan ang Traslacion.
Narito ang mga rutang hindi madadaanan ng mga sasakyan hanggang matapos ang prusisyon:
- Bonifacio Drive at Roxas Blvd. (mula Anda Circle hanggang U.N. Ave.)
- P. Burgos Ave., Finance Road, at Ma. Orosa St.
- Taft Avenue (mula Ayala Blvd. hanggang U.N. Ave.)
- Ayala Blvd., P. Casal St., at Legarda St.
- Quezon Blvd. (Northbound at Southbound)
- McArthur Bridge, Jones Bridge, at Ayala Bridge
- Katigbak Drive at Independence Road (Limitado ang akses sa Manila Hotel at H2O Hotel)
Para sa mga Patungong Southbound:
- Mula R-10: Kumaliwa sa Capulong St., diretso sa Yuseco St., at kumanan sa Lacson Ave.
- Mula España Blvd.: Kumaliwa sa N. Reyes St. patungong C.M. Recto Ave.
- Mula Rizal Ave.: Kumaliwa sa C.M. Recto Ave. patungong Legarda St.
Para sa mga Patungong Northbound:
- Mula Taft Ave.: Kumanan sa U.N. Ave., diretso sa P. Guanzon St. patawid ng Mabini Bridge.
- Mula Roxas Blvd.: Kumanan sa Pres. Quirino Ave. patungong Mabini Bridge.
- Mga Truck/Trailer: Lahat ng galing Osmeña Highway at Roxas Blvd. ay dapat dumaan sa Pres. Quirino Ave. patungong Mabini Bridge (Old Truck Route).
Nagbabala ang mga awtoridad na iwasan ang pagbiyahe patungong Quiapo at sa katimugang bahagi ng Maynila simula hapon ng Enero 8. Sinuspinde na rin ni Manila Mayor Isko Moreno ang klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga lokal na tanggapan ng gobyerno sa lungsod sa darating na Biyernes, Enero 9, 2026.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng mga sumusunod sa prusisyon:
- Payong (gumamit na lamang ng kapote)
- Matatalim na bagay at armas
- Paputok
- Alak (Liquor ban sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church)
