Binigyang-diin ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr. ang mas agresibong hakbang ng komisyon laban sa mga tradisyunal at makabagong porma ng pandaraya sa halalan, partikular na ang pagbili ng boto.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, ipinahayag ni Maceda na ang “Committee on Kontrabigay” ay itinaas na bilang kauna-unahan at tanging permanent standing committee sa kasaysayan ng Comelec.
Ang hakbang na ito ay layong gawing tuloy-tuloy ang kampanya laban sa vote-buying sa halip na tuwing panahon lamang ng eleksyon.
Ayon sa komisyoner, kailangang tugunan ang tatlong pangunahing banta sa tiwala ng publiko: ang paggamit ng dahas (force), panlilinlang (fraud), at ang maling paggamit ng pondo (funds).
Isa sa mga bagong pokus ng Comelec ay ang pagsugpo sa “Abuse of State Resources” (ASR) o ang paggamit ng posisyon sa gobyerno at mga ayuda (gaya ng ACAP, AKAP, at TUPAD) para sa pangangampanya.
Upang maiwasan ito, ipatutupad ang “absolute ban” sa pamamahagi ng mga nasabing ayuda sampung araw bago ang mismong araw ng halalan.
Aminado si Maceda na mabagal ang proseso ng kriminal na pag-uusig sa mga bumibili ng boto dahil madalas na nawawalan ng interes ang mga saksi matapos ang eleksyon.
Dahil dito, mas bibigyang-diin ng Comelec ang mabilis na diskwalipikasyon ng mga kandidato. Sa katunayan, noong 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), nasa 27 nanalong opisyal ang hindi pinayagang makaupo matapos mapatunayang sangkot sa vote-buying.
Nakipagtulungan na rin ang Comelec sa mga digital wallet gaya ng GCash at Maya upang masubaybayan ang mga kahina-hinalang transaksyon na maaaring gamitin sa pagbili ng boto.
Ayon kay Maceda, ang kooperasyon ng mga pribadong kumpanya ay malaking tulong upang hindi magamit ang teknolohiya sa katiwalian.
Bukod sa pandaraya, isinusulong din ng komisyon ang “Environmentally Sustainable Elections.” Maaaring maharap sa show-cause order ang mga kandidatong gagamit ng mga non-recyclable na tarpaulin o magpapaku sa mga puno.
Samantala, ipinagmalaki rin ng komisyoner na sa unang pagkakataon sa kasaysayan, naresolba na ang lahat ng kaso ng mga nuisance candidates bago pa magsimula ang opisyal na panahon ng halalan.
Tiniyak ni Maceda na seryoso ang Comelec sa pagpapatupad ng mga regulasyong ito upang mapanatili ang integridad ng demokrasya at matiyak na ang tunay na tinig ng bayan ang mananaig sa darating na halalan. (MINA PADERNA)
