Muli tayong nagbabalik, Speaker Bojie Dy, hindi para manira kundi para magtanong—dahil ang katahimikan sa gitna ng mga seryosong alegasyon ay madalas na napagkakamalang pagsang-ayon.
Hindi kasi mapakali ang ating mga ka-BERDUGO: Totoo nga ba ang mga ulat na ang iyong liderato ay tila nagiging kuta ng mga indibidwal na may madidilim na record sa batas?
Speaker Dy, bilang isa sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa, ang bawat galaw at bawat taong nakapaligid sa iyo ay repleksyon ng iyong prinsipyo.
Paano mo maipaliliwanag ang pagkakaroon ng isang pinagkakatiwalaang tauhan—itong si alyas Romer—na diumano’y may tangan ng maseselang obligasyon, kabilang na ang ugnayan sa media, gayong may mabigat itong “baggage” sa korte?
Hindi po biro ang mga paratang. Ayon sa mga nakalap na impormasyon, ang naturang tauhan ay may kinakaharap na mga kaso ng alleged sexual abuse sa Manila RTC. Take note, hindi lang isa, kundi dalawang insidente diumano.
Ang pinaka-nakakabahala rito ay ang ulat na ang isa sa mga insidenteng ito ay naganap habang nasa tungkulin bilang “shepherd” ng mga reporter sa panahon ng UniTeam.
Kung ang isang taong may ganitong uri ng seryosong kaso ay malayang nakagagalaw at nakakahawak pa ng kapangyarihan sa inyong opisina, ano ang mensaheng ipinapaabot nito sa publiko?
May mga bulong-bulungan din tungkol sa mga “pambusal” sa bibig ng media at ang paglilinis diumano sa hanay ng mga accredited media sa House.
Speaker Dy, ang terminong “bagman” ay isang mabigat na bansag na pilit idinidikit sa iyong pangalan dahil sa mga gawain ng iyong tauhan.
Bagama’t ang bawat isa ay may karapatan sa presumption of innocence, ang delikadesa ay dapat manguna sa isang pampublikong opisina.
Hindi po ba’t nararapat lamang na habang dinidinig ang mga kasong kriminal laban sa kanya ay pansamantala muna siyang malayo sa maseselang posisyon?
Ang pagpapanatili sa kanya ay tila pagsasabi na okay lang sa inyong liderato ang ganitong uri ng track record.
Speaker, ang ating mga ka-BERDUGO ay nagmamalasakit sa inyong performance sa Kongreso. Huwag mong hayaan na ang iyong mga pinaghirapang proyekto at batas para sa bayan ay malunod sa ingay ng iskandalong dala ng iyong mga tauhan.
Ang pagiging “kunsintidor” ay isang label na mahirap burahin kapag ito ay tumatak na sa isipan ng madla.
Sa darating na pagtatapos ng buwan ng mga puso—na tila nagiging “Araw ng mga Piso” para sa ilan—nakaabang ang mata ng publiko.
Huwag mong hayaan na ang iyong opisina ay maging simbolo ng korapsyon o protektor ng mga may sala.
Ang mungkahi namin: Magsagawa ng internal investigation, komprontahin ang katotohanan, at kung kinakailangan, huwag mag-atubiling sibakin ang mga anay na sumisira sa pundasyon ng iyong pamumuno. ‘Yun lamang po.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
