Mainit na tinanggap ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagtatalaga sa tatlong bagong opisyal ng ahensya sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ang nasabing balasahan ay isinagawa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez bilang bahagi ng istratehiya upang mas mapataas ang kalidad at bilis ng serbisyo ng gobyerno sa sektor ng transportasyon.
Ayon kay Chairperson Mendoza, ang reorganisasyong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ilagay ang mga tamang tao sa tamang posisyon para sa mas epektibong pamamahala.
Sa ilalim ng Office Order na nilagdaan ni Secretary Lopez, itinalaga si Abosamen H. Matuan bilang bagong direktor ng Regional Franchising and Regulatory Office 7, kung saan pinalitan niya si dating director Eduardo Montealto Jr.
Kasabay nito, pinangalanan naman si Alexes Joseph R. Bendijo bilang pinuno ng RFRO sa Region 10, habang si Gerry E. Llena ang naupo sa pinakamataas na posisyon ng LTFRB sa bagong tatag na Negros Island Region.
Naniniwala si Chairperson Mendoza na ang pagdadala ng mga bagong lider sa mga rehiyong ito ay magbibigay ng mga sariwang ideya at inobasyon na makikinabang ang mga kliyente ng ahensya.
Nagpahayag ng tiwala ang pamunuan ng LTFRB na gagampanan ng mga bagong itinalagang direktor ang kanilang mandato nang may integridad, lalo na sa gitna ng mga agresibong repormang ipinatutupad sa buong bansa.
Layunin ng mga pagbabagong ito na ipaglaban ang karapatan ng mga mananakay habang tinitiyak na napapakinggan din ang panig ng sektor ng transportasyon.
Inaasahan na agad na tututukan ng mga bagong opisyal ang mga kasalukuyang programa ng ahensya para sa ikabubuti ng pampublikong transportasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa kasalukuyan, abala ang LTFRB sa isang malawakang kampanya laban sa mga terminal ng bus at mga Public Utility Vehicle (PUV) na may mga sirang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan at kenyaman ng mga pasahero.
Bukod dito, nakatutok din ang ahensya sa pagsasagawa ng mga public consultation hinggil sa mga petisyon para sa taas-pasahe. Ang pagtatalaga sa mga bagong regional directors ay nakikitang mahalagang hakbang upang mapabilis ang implementasyon ng mga proyektong ito sa mga lalawigan. (MINA PADERNA)
