Wala nang kawala ang tatlong malalaking consignee matapos pormal na irekomenda ng Bureau of Customs (BOC) ang pagsasampa ng patong-patong na kasong kriminal laban sa kanila sa ilalim ng bagong Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon sa BOC, isinumite na nila sa Department of Finance (DOF) ang anim na draft criminal complaints para sa mabilisang pagsusuri bago ito tuluyang ibato sa Department of Justice.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga mapagsamantala na pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Ang mga kaso ay nagmula sa serye ng mga raid at seizure operations noong Hunyo 2025 kung saan tumpak na nasabat ang mga ilegal na kargamento.
Kabilang sa mga “huli sa akto” ay ang tone-toneladang puting sibuyas at carrots na nagkakahalaga ng mahigit P27 milyon, gayundin ang mga frozen mackerel na umabot sa P43 milyon ang halaga.
May isa pang shipment ng carrots at isda na nasabat din na nagkakahalaga ng P19 milyon, na kung pagsasama-samahin ay aabot sa mahigit P90 milyon ang kabuuang halaga ng mga puslit na produkto.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, hindi lang simpleng smuggling ang kinakaharap ng mga suspek kundi “economic sabotage” dahil sa lawak ng pinsala nito sa ating ekonomiya.
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., seryoso ang kawanihan na linisin ang mga hangganan ng bansa at tiyaking lahat ng papasok na kargamento ay sumusunod sa batas.
Tiniyak din ni Nepomuceno na hahabulin nila ang “full weight of the law” laban sa mga smugglers upang magsilbing babala na wala nang kompromiso sa mga ilegalista.
Bukod sa mga importer, hindi rin makakaligtas ang mga “anay” sa loob ng BOC. Naglunsad na rin ng internal investigation at administrative actions ang kawanihan laban sa sarili nilang mga personnel na posibleng kasabwat o nagpabaya kaya nakalusot ang mga naturang kargamento.
Ayon sa BOC, kailangang managot ang lahat—mula sa labas hanggang sa loob ng kawanihan—upang maprotektahan ang integridad ng ating agrikultura at matiyak na ligtas ang pagkaing nakakarating sa hapag ng bawat Pilipino. (MINA PADERNA)
