Muling pinagtibay ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office (PHACTO) ang kanilang matatag na suporta sa paglulunsad ng ika-13 Pulilan Mandala International Art Festival sa ginanap na media launch noong Pebrero 20, 2026, sa SM Center Pulilan.
Ang nasabing pagtitipon ay naglalayong i-reaffirm ang pangako ng lalawigan sa pagpapalago ng cultural tourism sa Bulacan sa pamamagitan ng sining na nakaugat sa pamanang lahi at pangangalaga sa kalikasan.
Sa darating na Mayo 8 hanggang 10, 2026, magsasama-sama ang mga visual artists, iskolar, cultural workers, at ang lokal na komunidad ng Pulilan para sa isang dynamic celebration.
Nakatakdang simulan ang pagdiriwang sa SM Center Pulilan sa pamamagitan ng exhibit na “Art, Earth, Action” na lalahukan ng 100 visual artists, na susundan naman ng isang serye ng mga panayam sa hapon.
Sa ikalawang araw, tutuloy ang mga aktibidad sa Casa San Francisco kung saan itatampok ang Kalye Art Mural at ang pormal na inagurasyon ng “Posong Malaki” sculptural monument.
Kasabay nito ang pagpapatuloy ng lecture series at pagpapalabas ng mga dokumentaryong pelikula na sumasalamin sa sining ng rehiyon.
Ang pagtatapos ng festival ay gaganapin sa Pulong Kabyawan Agricultural Farm kung saan bubuksan ang mga exhibit na “Demetrio Diego: Modernism Rooted in Tradition” at “Rice, Ritual, and Region,” kasunod ang Mandala Music Session at Artists’ Forum.
Sa kanyang espesyal na mensahe, binigyang-diin ni PHACTO OIC Department Head Limuel Jan J. Lobederio ang kahalagahan ng pagtutulungan ng kanilang opisina at ng naturang festival.
Ayon sa kanya, ang kanilang suporta ay higit pa sa pakikilahok dahil ito ay sumasalamin sa kanilang mithiin na palakasin ang creative economy ng Bulacan.
Sinabi ni Lobederio na sa bawat taon ng pagdiriwang ay mas lalong nakikita ang yaman ng talento at imahinasyon ng mga Pilipino, partikular na ng mga Bulakenyo.
Dumalo rin sa media launch sina Festival Director Andrew Alto de Guzman at Municipal History, Arts, Culture, and Tourism Officer Catherine R. Sayo upang magpakita ng suporta.
Ang Pulilan Mandala International Art Festival ay isang taunang pagtitipon ng mga lokal na artista na naglalayong patatagin ang pagkakakilanlan at lakas ng kultura sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng sining, layon ng festival na panatilihing buhay ang mayamang kasaysayan at sining para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Ang tatlong araw na aktibidad na ito ay patuloy na nagsisilbing tulay upang ipakita ang galing ng mga sining-biswal na hindi lamang nakapokus sa estetika, kundi pati na rin sa pangangalaga ng kapaligiran at tradisyon. (MINA PADERNA)
