Pormal na nagsampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman nitong Miyerkules ang isang koalisyon ng mga human rights advocates, mga pinuno ng simbahan, akademiko, grupo ng kabataan, labor organizers, at mga pamilya ng mga biktima ng ‘drug war’ ng administrasyong Duterte laban sa ilang matataas na opisyal ng Senado.
Inihain ang reklamo nina Senate President Alan Peter Cayetano, Senator Robinhood Padilla, at isang nagngangalang Mao Aplasca dahil sa diumano’y naging papel ng mga ito sa pagharang sa hustisya (obstruction of justice).
BASAHIN: Cayetano, iginiit na siya pa rin ang lehitimong Senate President
Nag-ugat ang usapin sa naiulat na pag-iwas sa aresto ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na nangyari umano sa mismong loob ng complex ng Senado.
Ayon sa mga nagreklamo, nagkaroon ng sabwatan upang bigyang-daan ang pagtatago o pag-iwas ni Dela Rosa sa mga awtoridad na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Giit ng grupo, hindi dapat ginagamit ang institusyon ng Senado o ang kapangyarihan ng mga mambabatas upang maprotektahan ang sinumang nahaharap sa batas, lalo na’t may kaugnayan ito sa mga isyu ng pananagutan sa mga naging biktima ng kampanya kontra ilegal na droga.
Inaasahang maglalabas ng opisyal na pahayag ang kampo nina Cayetano at Padilla hinggil sa isinampang reklamo.
