PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
NAIUWI ni Vanessa Pulgarin ng Colombia ang korona ng MGI All Stars 1st Edition matapos magwagi sa kompetisyon laban sa 55 kandidata. Lumikha siya ng kasaysayan bilang unang titleholder sa unang edisyon ng pageant na ginanap sa MGI Hall, Bangkok, Thailand, at napanood ng live sa Facebook at YouTube channel nakaraang 30 Mayo 2026 Sabado ng gabi.
Ang Miss Grand International ay isang pandaigdigang patimpalak ng kagandahan na itinatag ni Nawat Itsaragrisil noong 2013. Ang organisasyon ay nagtataguyod ng kanilang apat na dimensional na balangkas ng paghusga: Beauty, Body, Brain, and Business, at ang kampanya ng adbokasiya na “Stop the War and Violence”.
Ang MGI All Stars ay ipinakilala bilang karagdagang kompetisyon na hiwalay mula sa taunang edisyon ng Miss Grand International. Ang anunsyo ay nagbigay-diin sa inklusibidad, na nag-aanyaya ng “beauty queens from any pageant,” hindi lamang sa mga dating kalahok ng MGI. Ang kompetisyon ay bukas sa mga kababaihan at mga transgender na kababaihan na may edad 20 hanggang 40, maging sila ay dalaga, kasal, o ina, basta’t nakasali na sa pandaigdigang patimpalak.
Inanunsyo ng Miss Grand International organization na ang mananalo ay makakatanggap ng All Stars Crown kasama ang premyong salapi na nagkakahalaga mula US $100,000 hanggang US $1,000,000. Ang anunsyo ay nakatanggap ng malaking atensyon sa mga komunidad ng patimpalak sa buong mundo, na kung saan ang mga tagahanga ay nagpakita ng interes at kasiyahan sa muling pagbabalik ng mga dating beauty queen. May mga pumuri dahil sa bagong format at pagbibigay ng pagkakataon sa mga dating kandidata, at may mga nag-alinlangan sa kung paano makakaapekto ang pagkakataon sa bawat kalahok.
Nakamit ni Faith Maria Porter ng Ghana ang 1st Runner-up at Huong Giang ng Vietnam ang 2nd Runner-up. Si Gazini Ganados ng Pilipinas ay kabilang sa Top 5 Finalists kasama si Mariana Beckova ng Czech Republic.
Si Pulgarin ay unang lumaban sa Miss International 2017 (unplaced) at Miss Universe 2025 (Top 12). Si Poter ay American-born Ghanaian na lumahok sa Miss USA 2022 (Top 16, bilang Miss District of Columbia), Miss Grand Ghana 2025 (Winner), at Miss Grand International 2025 (3rd Runner-up). Si Giang na isang transgender woman ay naging Miss International Queen 2018 titleholder at lumahok sa Miss Universe 2025 (Unplaced). Si Beckova ay naging Miss Grand International 2022 4th Runner-up. At si Ganados ay lumahok sa Miss World Philippines 2014 (Top 13), Binibining Pilipinas 2019 (Winner-Miss U Philippines 2019), at Miss Universe 2019 (Top 20).
BASAHIN: MATAPOS ANG 3 MISCARRIAGES, ALEX GONZAGA BUNTIS NA
May apat pang Pilipina ang lumahok sa MGI All Stars: Fuschia Anne Ravena na napabilang sa Top 18 at Miss International Queen 2022, Alexia Nuñez na Noble Queen of the Universe 2025, Imelda Schweighart naging kalahok sa Miss Earth 2016, at Keylyn Trajano na Universal Woman 2025 Top 13.
Ang mga presenters ay sina Danilo Carrera, aktor mula Ecuador; Emma Tiglao ng Pilipinas, Miss Grand International 2025; at Michelle Dee, Miss Universe Philippines 2023 at Miss Universe 2023 Top 10 Finalist.

Mga Nakaupo (mula sa kaliwa): Lupita Jones, Natalie Glebova, Abena Akuaba, at Isabella Menin. Mga Nakatayo: Osmel Sousa, Omar Harfouch, Jojo Bragais, at Psi Scott.
Nagsilbing lupon ng mga hurado sina Lupita Jones ng Mexico, Miss Universe 1991; Natalie Glebova ng Canada, Miss Universe 2005; Abena Akuaba ng US, Miss Grand International 2020; Isabella Menin ng Brazil, Miss Grand International 2022; Omar Harfouch, French-Lebanese composer at businessman; Osmel Sousa, Cuban-Venezuelan beauty entrepreneur at dating pangulo ng Miss Venezuela organization; Psi Scott, Thai-Scottish marine conservationist; at Jojo Bragais, Filipino shoe designer at entrepreneur.
Ang susunod na edisyon ng MGI All Stars ay inaasahan bago magtapos ang 2026.
