LUMAGDA ngayong araw sa isang makasaysayang kasunduan ang Bureau of Corrections (BuCor) at ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa pagbuo ng mga regional prison at penal farms sa mga lupaing ninuno o ancestral domain na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng NCIP.
Ang memorandum of understanding (MOU) ay nilagdaan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at NCIP Chairperson Dr. Margie Grace T. Pascua sa isang simpleng seremonya sa New Conference Room ng BuCor sa Muntinlupa City.
Ayon kay Catapang, layunin ng BuCor na gamitin at paunlarin ang humigit-kumulang 1,000 ektarya ng ancestral domain lands sa bawat rehiyon bilang bahagi ng programa para mapaluwag ang mga kasalukuyang kulungan at maisulong ang reporma sa penal system.
Batay sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10575 o ang Bureau of Corrections Act of 2013, pinahihintulutan ang BuCor na magtatag ng karagdagang penal farms bukod sa kasalukuyang pitong bilangguan at penal farms nito sa bansa.
Paliwanag ni Catapang, ang inisyatiba ay makatutulong hindi lamang sa decongestion ng mga kulungan, kundi pati na rin sa pagpapalapit ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa kanilang pamilya at komunidad, at sa huli ay mapadali ang kanilang reintegration matapos makalaya.
Bukod dito, inaasahan din umanong magdudulot ang proyekto ng mga oportunidad sa kabuhayan, trabaho, at pang-ekonomiyang pag-unlad para sa mga katutubong pamayanan.
Para naman kay Pascua, napapanahon ang paglagda sa kasunduan dahil kasabay ito ng pagdiriwang ng ika-31 Anniversary ng Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre.
“I believed in the direction of MOU to empower the indigenous communities as well as the PDLs,” saad ni Pascua.
Kasama sa MOU ang pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG) mula sa parehong ahensya upang pag-aralan ang feasibility ng proyekto, tiyakin ang pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon, at magrekomenda ng mga susunod na hakbang para sa mas detalyadong kasunduan. (MINA PADERNA)
