
Kumpirmadong natunton na ng Bureau of Customs (BOC) ang lahat ng 12 luxury vehicles na inuugnay sa pamilya Discaya, matapos ang isinagawang court-ordered search operation sa compound ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City nitong Martes.
Ayon sa ulat ng BOC, dalawang sasakyan ang unang natunton sa operasyon nitong umaga, isang Toyota LC300 3.3 V6 ZX AT SUV 2024 at Maserati Levante Modena 2022.
Kinagabihan, pito pang sasakyan ang isinuko sa BOC at ngayo’y naka-impound sa compound ng St. Gerrard. Kabilang dito ang Rolls Royce Cullinan 2023, Bentley Bentayga, Mercedes Benz G-Class (Brabus G-Wagon), Mercedes AMG G 63 SUV 2022, Toyota Tundra 2022, Toyota Sequoia, at Cadillac Escalade ESV 2021.
Samantala, ang tatlo pang natitirang unit na Mercedes Benz G 500 SUV 2019, GMC Yukon Denali SUV 2022, at Lincoln Navigator L 2024 ay kasalukuyang nasa awtorisadong service centers para sa pagkukumpuni at nakatakdang i-surrender din sa ahensya.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang lahat ng sasakyan ay pormal nang na-seal at mahigpit na binabantayan 24/7 ng mga tauhan ng BOC at Philippine Coast Guard (PCG).
Binigyang-diin ng opisyal na ang hakbang ay hindi lamang para matukoy at mabawi ang mga naturang sasakyan kundi para tiyakin din ang tamang pagbabayad ng buwis at pagtalima sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“Ang sinumang nagtatago o nagkubli ng mga sasakyang ito ay pananagutin sa buong bigat ng batas,” ani Nepomuceno.
Nagpasalamat din ang BOC sa Department of Transportation (DOTr) – Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) – Eastern Police District (EPD), Highway Patrol Group (HPG), PCG, at mga opisyal ng Barangay Bambang, Pasig City sa kanilang suporta.
Kasunod ng pagkakakumpleto sa pagbawi ng lahat ng sasakyan, patuloy pang sinisiyasat ng BOC ang mga importation record nito upang alamin kung alinsunod ang mga ito sa umiiral na batas. Kapag may nakitang iregularidad, agad na isasampa ang kaukulang aksyon laban sa mga responsable.
Ang operasyon ay nakahanay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling, tiyakin ang tamang kita ng pamahalaan, at itaguyod ang transparency at accountability. (ARSENIO TAN)
