Nag-sorry si Leyte Rep. Richard Gomez matapos siyang umani ng batikos dahil sa ginawa niyang pag-post ng screenshots ng private messages ng ilang mamamahayag, kasama pa ang kanilang pangalan at cellphone number.
Sa privilege speech sa Kongreso nitong Martes, aminado si Gomez na palpak ang naging handling niya sa sitwasyon.
“I sincerely apologize… sensitive information has been removed… I could have handled it better,” sabi ng aktor-turned-lawmaker.
Matatandaang noong nakaraang linggo, imbes na sagutin ang banat ni Matag-ob, Leyte Mayor Bernie Tacoy, na sinisisi siyang kulang sa suporta laban sa pagbaha, ay in-upload ni Gomez sa social media ang mga tanong ng media.
Sa huli, lantad tuloy sa publiko ang mga pangalan at numero ng mga reporter.
Dahil dito, inulan ng batikos ang kongresista na umano’y naglabas ng pribadong impormasyon sa halip na harapin ang isyu.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung paano tutugon si Gomez sa akusasyon ni Mayor Tacoy kaugnay sa pagbaha sa Matag-ob.
