Isang mainit na simula ang ipinakita ng mga Pinoy cue artists sa pagbubukas ng 2025 World Pool Championship sa Greens Hall nitong Martes, Hulyo 22—pinangunahan nina Carlo Biado at Johann Chua ang pananalasa.
Si Biado, dating world champion noong 2017, ay hindi nagpadaig sa pressure at pinadapa si Jan Van Lierop ng Netherlands sa iskor na 9-5. Samantala, isang bagyong walang habag ang pinakawalan ni Johann Chua matapos niyang i-zero si Mohammed Al-Balkhi ng host country, 9-0—literal na hindi pinatikim ng bola ang kalaban.
Pero hindi lang sila ang nagpasiklab!
Pumuntos din sina Roland Garcia – binanatan si Niels Feijen ng Netherlands, 9-4; Marvin Asis – isinurvive ang veteranong si David Alcaide ng Spain, 9-8; Michael Feliciano – dinomina si Konrad Juszczyszyn ng Poland, 9-3; Bernie Regalario – nilampaso si Abdullah Alenzi ng Kuwait, 9-2; at Patrick Gonzales – sinagasaan si Roman Hybler ng Czechia, 9-3.
Hindi rin nagpahuli ang mga beteranong sina James Aranas – tinalo si Wesam Hamamm ng Egypt, 9-4; Lee Vann Corteza – tiniyaga si Al Waleed Al-Mudayan ng Saudi, 9-7; Michael Baoanan – nilustay si Aleks Pecelj ng Serbia, 9-5; Jeffrey Ignacio – nilampaso si James Georgiadis ng Australia, 9-6; at AJ Manas – nakipagbakbakan at tinalo ang kapwa Pinoy na si Alexis Ferrer, 9-6.
Pero hindi nagpahuli si Ferrer at agad bumangon sa loser’s bracket nang pabagsakin ang Vietnamese na si Phuong Nam Phan, 9-6.
Buhay pa rin si Mark Kalagayan, matapos matalo sa unang laban kontra kay Chang Yu Lung ng Chinese Taipei, pero bumawi kontra Abdulaziz Al-Amoudi ng Saudi, 9-7.
Sa kabilang banda, nalasap ang double-whammy nina Marlon Cañeda at Rogelio Sotero, na parehong nalaglag matapos talunin ng mga Amerikano na sina Sam Henderson (9-7) at Shane Van Boening (9-5).
Samantala, Jefrey Roda at Anton Raga ay agad nagmarka ng panalo para sa PH contingent sa kompetisyong may kabuuang premyo na US$1 million o halos P57 milyon. RON TOLENTINO
