SAN MATEO, RIZAL — Trahedya ang sinapit ng isang 20-anyos na lalaki matapos siyang makuryente at bawian ng buhay habang pilit isinasalba ang mga gamit mula sa kanilang bahay na inanod ng baha nitong Martes ng umaga sa kasagsagan ng malakas na habagat.
Ayon sa San Mateo Police, ang biktima ay bumalik sa kanilang nasirang tahanan para kunin ang mga yero na pwede pang magamit. Ngunit sa kasamaang-palad, nahawakan umano nito ang isang live wire na nakakabit pa sa poste ng kuryente.
“‘Yung mga yero daw po ay kinukuha para magamit pa. E aksidente po kasing nahawakan ‘yung kable ng kuryente na naka-konekta pa sa poste,” pahayag ni PSSG Joey Mejares, imbestigador sa kaso.
Sa isang video na kuha ng kapitbahay ng biktima, makikita ang volunteer rescuers na todo sa pag-resuscitate sa binata habang sakay ng bangka patungong ospital.
Pero ayon kay Mejares, dead on arrival na ito pagdating sa emergency room.
Nagpaalala rin ang mga otoridad na maging extra ingat tuwing may kalamidad.
“Dapat kasi hindi pa po sila pumunta doon sa lugar na ‘yun kasi nga po hindi pa nag-subside ang tubig,”
dagdag ni Mejares.
