Mismong si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang tumungo ngayong Miyerkules, Hulyo 23, sa mga lugar na sinalanta ng matinding baha para personal na makita ang pinsala sa mga pampublikong paaralan.
Pinuntahan ng kalihim ang Guillermo Sanchez Memorial School at Tinajeros Elementary School sa Malabon, at ang Tanza Elementary at High School sa Navotas, kasama sina Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Navotas Mayor John Rey Tiangco.
Sa pinakahuling ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service, umaabot na sa 24,648 schools ang nagsuspinde ng face-to-face classes dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha.
Tiniyak ni Sec. Angara na tuloy-tuloy ang pagtutok ng DepEd sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na learning spaces para sa mga guro at estudyante. Target nila ang madaliang pag-aayos at pagpapalit ng mga sirang gamit, lalo na sa mga silid-aralan na hindi na mapapakinabangan.
“Hindi puwedeng maantala ang pagkatuto ng mga bata dahil sa sakuna. Pero higit sa lahat, dapat ligtas sila,” aniya.
