Hindi lang kilig ang hatid ni Barbie Forteza ngayong taon, kundi matinding kilabot din! Bibida ang Kapuso Primetime Princess sa kauna-unahang psychological horror film niyang “P77”, na itinuturing na comeback movie ng GMA Pictures sa genre ng katatakutan.
Sa isang media conference nitong Hulyo 22, ibinunyag ni Barbie na handpicked siya para sa papel bilang Luna, isang chambermaid sa cruise ship na biglaang kailangan umuwi para alagaan ang maysakit na kapatid at hanapin ang nawawalang ina. Doon magsisimula ang sunod-sunod na kababalaghan sa tinutuluyang Penthouse 77—isang lugar na may itinatagong kilabot!
“Tight ang schedule kasi sabay ito ng Pulang Araw, pero sabi ko ‘Yes!’ agad. Grabe ‘yung pressure pero blessing ito,” ani Barbie.
Ayon sa direktor na si Derick Cabrido, si Barbie na agad ang nasa isip nila habang binubuo ang pelikula. “Wala nang ibang pumasok sa isip namin. Barbie talaga,” giit ni Cabrido.
Makakasama rin ni Barbie sa pelikula sina Euwenn Mikaell, Rosanna Roces, Gina Pareño, Jackie Lou Blanco, Carlos Siguion-Reyna, JC Alcantara, at Chrome Cosio. Ang pelikula ay sinulat ng award-winning writer na si Enrico Santos at base sa istorya nina Anj Atienza at Kristian Julao ng “Green Bones.”
Hindi lang kilabot ang hatid ng P77, kundi may mas malalim na mensahe rin ukol sa PTSD (Post-Traumatic Stress Disorder). “Mas grounded ang story, umiikot sa pamilya. Hindi lang basta panakot, may awareness din,” ani Barbie.
Bagama’t walang kababalaghang naranasan sa mismong shoot ng pelikula, ikinuwento ni Barbie ang isang karanasang hindi niya malilimutan—binangungot umano siya habang ginagawa ang isa niyang lumang proyekto.
“May itim na silweta ng babae na kulot ang buhok, parang nakapatong sa akin at sinasakal ako. Hindi ako makagalaw,” kuwento niya.
Ibinahagi rin ni Barbie na hindi multo, hindi penthouse at hindi rag doll ang pinakakinakatakutan niya.
“Takot akong mawalan ng mahal sa buhay. Lahat naman siguro tayo, ‘di ba? Walang nakapaghahanda sa gano’n. Pinakamasakit talaga ‘yon,” emosyonal na pahayag ni Barbie.
Bukod pa rito, aminado siyang takot din sa clowns, rag dolls, at heights—kaya hindi siya nakatira sa mga matataas na condo o penthouse. “Gusto ko bahay lang. Mabilis kasi ako mag-isip, minsan wala pa pero iniisip ko na,” sabay tawa ng aktres.
Bilang certified horror fan, iniimbitahan ni Barbie ang lahat na panoorin ang P77 sa big screen.
“Mas masaya ‘pag horror film ang pinapanood sa sinehan. May biruan, may sigawan, may takutan. Wala pa ngang nagpapakita, napapasigaw na ako!”
