HINDI napigilang humanga ni Farm Fresh coach Alessandro Lodi sa husay ng Capital1 Solar Spikers rookie na si Bella Belen, matapos ang kanilang sagupaan sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference nitong Martes sa Araneta Coliseum.
Si Belen, na No. 1 overall pick sa 2025 PVL Rookie Draft, ay patuloy na nagpapatunay kung bakit siya itinuturing na isa sa pinakamalalakas na bagong mukha sa pro volleyball.
“She’s one of a kind,” ani Lodi. “She may not look extremely physical, but she has phenomenal consistency. Alam niya talaga ang ginagawa niya sa bola.”
Kahit natalo ang Solar Spikers sa Foxies, 22-25, 25-22, 21-25, 22-25, nagtala si Belen ng 20 puntos—patunay na kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga beteranang pros.
Ayon pa kay Lodi, kakaiba ang estilo ng dating National University (NU) Lady Bulldog, dahil bagama’t hindi siya kasing taas o kasing lakas ng ibang spikers, kompensado ito ng matinding ball control, diskarte, at versatility.
“Parang wala lang siya, pero alam niyang eksakto kung saan dadalhin ang bola. May libo-libong tira at palaging may solusyon sa court,” dagdag ng Italian mentor.
Pinuri rin ni Lodi ang maturity ni Belen sa laro, na aniya ay bihira sa mga baguhan. “She’s not spectacular in the traditional sense, but she’s consistent, intelligent, and efficient. And that’s what makes her special,” ani Lodi.
Bilang huling mensahe, hiniling ng coach na manatiling mapagkumbaba at masipag si Belen sa kanyang paglalakbay sa propesyonal na liga.
“Before, she played in UAAP, but now she’s in the pros — she plays against real competition. I hope she stays humble and keeps working hard. She has the tools to be great for many, many years,” pagtatapos ni Lodi. (RON TOLENTINO)
