Courtesy of LTFRB
SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 22 pampasaherong bus matapos mahuling lumabag sa mga regulasyon, kabilang ang kawalan ng malinis at maayos na pasahero terminal.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, pinadalhan na ng abiso ng suspensyon at show cause orders ang Elavil Tours Phils. Inc. at AMV Travel and Tours Inc.
Kabuuang 17 bus units ng Elavil Tours na bumabyahe sa rutang Bicol–Manila ang sinuspinde ng hindi lalampas sa 30 araw, habang 5 yunit ng AMV Travel and Tours ang pinatawan din ng parehong parusa.
“Ito ay magsisilbing mahigpit na babala sa lahat ng transport companies na sumunod sa minimum standards para sa ligtas at maayos na operasyon, pati na rin sa pagpapanatili ng passenger-friendly stations and terminals,” ani Mendoza.
“Ang mga pasahero ang bumubuhay sa inyong negosyo. Hindi tama na pabayaan silang mabasa sa ulan, maghintay nang walang upuan, o magtiis sa maruruming comfort rooms” dagdag pa niya.
Inatasan ang dalawang kumpanya na isuko ang kanilang for-hire plates at magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized written explanation kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang prangkisa.
Tiniyak naman ni Mendoza ang due process, at itinakda ang pagdinig sa Oktubre 22 sa LTFRB main office sa Quezon City upang dinggin ang panig ng dalawang kumpanya. (MINA PADERNA)
