THE UAAP
MATAPOS ang pitong taong paghihintay, muling nakabalik sa finals ang University of the Philippines (UP) matapos pabagsakin ang defending champion National University (NU), 3-1, sa UAAP Season 88 men’s badminton tournament na ginanap Martes sa Rizal Memorial Badminton Hall, Malate, Maynila.
Mainit na laban ang aasahan bukas (Miyerkules, 8 a.m.) kung saan haharapin ng Fighting Maroons ang Ateneo Blue Eagles, na dinomina ang De La Salle University (DLSU) sa semi-final, 3-0. Magtatagisan din sa battle for third place ang NU at La Salle sa parehong oras.
Mabilis na umatake ang UP sa unang dalawang singles matapos durugin ni Jelo Albo si MJ Perez, 21-10, 21-9, habang si Kervin Llanes naman ay tumapos kay Ben Dictado, 21-19, 21-15, para agad makuha ang 2-0 na bentahe.
Hindi naman basta sumuko ang NU nang magbalik sa laban sa unang doubles match, kung saan pinangunahan ng Season 87 MVP Lanz Zafra at Perez ang panalo kontra kina Mark Anthony Bernal at Albo, 21-16, 19-21, 21-17.
Ngunit tinuldukan nina Arjay Lazareto at Ryan Mendoza, mga baguhang manlalaro ng UP, ang pag-asa ng Bulldogs matapos ang dikdikang panalo kontra kina John Benedict Gam at James Villarante, 19-21, 21-13, 21-19 — dahilan para tuluyang makabalik ang UP sa championship round.
Samantala, pinangunahan ni Lyrden Laborte ang panalo ng Ateneo matapos walisin ang dalawang panalo — una sa singles laban kay Miguel Cuarte (21-17, 21-16), at pangalawa sa doubles kasama si Robby Ramos kontra kina Joshua Morada at Yuan Tan, 21-12, 19-21, 21-16.
Tinapos naman ng pambato ng national juniors na si JR Pandi ang serye sa pamamagitan ng 21-14, 21-17 na panalo laban sa kapwa rookie na si Lovic Javier. (RON TOLENTINO)
