Hindi lang si Bella Belen ang bumanat para sa Capital1 matapos makuha ng Solar Spikers ang dikit na 26-24, 20-25, 28-25, 20-25, 15-11 na panalo laban sa Farm Fresh sa 2026 PVL All-Filipino Conference nitong Huwebes sa Playtime Filoil Centre.
Nakatanggap ng mahalagang suporta si Belen mula sa kanyang mga kakampi upang itumba ang Foxies sa loob ng limang set.
Muling nagpakitang-gilas si Belen na humataw ng 23 puntos, na pang-anim na sunod niyang 20-point game ngayong kumperensya.
Ngunit ang naging malaking sorpresa ay ang career night ni Sydney Niegos na nag-ambag din ng 20 puntos para sa koponan. Ang balanseng pag-atake ng Solar Spikers ang naging susi upang malampasan ang matinding hamon ng Farm Fresh.
Dahil sa panalong ito, umakyat na ang Capital1 sa kartadang 3-3 sa kalagitnaan ng preliminaries.
Sila ang ikalimang koponan na nakatuntong sa three-win mark sa kasalukuyang mahigpit na labanan para sa seeding. Inaasahang magsisilbi itong momentum para sa Solar Spikers sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa liga. (RON TOLENTINO)
