Nakatakdang mag-debut si Calvin Abueva para sa Converge FiberXers sa pagbubukas ng PBA 50th Season Commissioner’s Cup laban sa guest team na Macau Black Bears sa Marso 11 sa Ninoy Aquino Stadium.
Inaasahang tututukan ng mga tagahanga si Abueva sa kanyang unang laro para sa bagong koponan matapos siyang makuha ng FiberXers mula sa Titan Ultra sa isang trade kamakailan. Maghaharap ang Converge at Black Bears sa main game sa ganap na 7:30 ng gabi, matapos ang unang bakbakan sa pagitan ng Titan Ultra at Terrafirma sa ganap na 5:15 ng hapon.
Bukod kay Abueva, inaabangan din ang posibleng PBA debut ng higanteng si Sam Deguara na may taas na 7-foot-6 para sa Macau Black Bears, kasama ang isa pang import na si Tony Mitchell.
Samantala, lalo pang iinit ang komperensya sa inaasahang paglalaro ni Bol Bol para sa TNT sa Marso 20 laban sa Rain or Shine sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa parehong araw, sisimulan naman ng Barangay Ginebra at Justin Brownlee ang kanilang kampanya laban sa Macau Black Bears sa ganap na 7:30 ng gabi.
Magpapatuloy ang aksyon sa Marso 21 sa Ynares Center-Antipolo kung saan haharapin ng reigning Philippine Cup champion na San Miguel ang Titan Ultra.
Nakatakda rin ang ilang malalaking rematch, kabilang ang pagtatagpo ng San Miguel at TNT sa Marso 28, at ang paghaharap ng Ginebra at TNT sa huling araw ng elimination round sa Mayo 10.
Hindi rin mawawala ang inaabangang Manila Clasico sa pagitan ng Barangay Ginebra at Magnolia na gaganapin sa Abril 10 sa Mall of Asia Arena.
