Isang hindi pa nakikilalang babae ang kasalukuyang nakikipaglaban para sa kanyang buhay matapos itong barilin sa Sitio Upper Tan-ag, Brgy. San Isidro, nitong Linggo ng gabi, Enero 11.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa mga tauhan ng Brgy. San Isidro dakong alas-10:30 ng gabi upang iulat ang naganap na insidente ng pamamaril sa naturang lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon, rumesponde agad ang mga operatiba sa pangunguna ng Duty Officer of the Day. Pagdating sa crime scene, tumambad sa mga awtoridad ang biktima na nakasubsob sa lupa at duguan.
Mabilis na isinugod ang biktima sa Ynares Hospital upang lapatan ng kaukulang lunas.
Sa kasalukuyan, nananatiling unidentified o wala pang pagkakakilanlan ang biktima na inilarawang nakasusuot ng itim na shorts at itim na sleeveless top.
Blangko pa rin ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Nagsasagawa na ng follow-up operation at masusing imbestigasyon ang Rodriguez Police upang malaman ang motibo sa likod ng pamamaril at matukoy ang salarin.
Inaalam din kung may mga CCTV camera sa paligid na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon o may nawawalang kamag-anak na tumugma sa deskripsyon ng biktima na makipag-ugnayan agad sa kanilang himpilan. (Arnold Pajaron Jr)
