Isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakatali ang mga kamay at may mga tama ng bala sa katawan at ulo ang natagpuang wala nang buhay sa gilid ng kalsada sa Sitio Aduas, Brgy. San Jose, Antipolo City nitong Linggo ng umaga, Enero 11.
Ayon sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), nakatanggap ng impormasyon ang Police Community Precinct 3 (PCP3) mula sa isang barangay tanod dakong alas-10:10 ng umaga hinggil sa natagpuang bangkay.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCP3 sa pangunguna ni PCPT Alnor DV Tagara. Pagdating sa lugar, kinumpirma ng mga awtoridad ang nakitang biktima na nakatali ang mga kamay at may mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Natagpuan ang bangkay sa isang madamong bahagi ng kalsada na malayo sa mga kabahayan.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki na inilarawang tinatayang 5’2” ang taas, maliit ang pangangatawan (small-built) at nakasusuot ng pulang T-shirt at blue/pink na jersey shorts. Agad na kinordonan ng mga pulis ang crime scene at humingi ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa gagawing forensic investigation sa lugar.
Dahil liblib at malayo sa mga bahay ang pinagtapunan sa biktima, patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng PCP3 upang makahanap ng mga posibleng saksi o CCTV camera sa mga rutang patungo sa Sitio Aduas na maaaring makapagbigay-linaw sa pagkakakilanlan ng biktima at ng mga salarin.
Naniniwala ang mga awtoridad na posibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang sa naturang madilim na bahagi ng barangay. (Arnold Pajaron Jr)
