Ninakawan ang bahay ng isang aktibong miyembro ng Philippine Army sa AFP-PNP Housing, Brgy. Dalig, Teresa, Rizal nitong Linggo ng hapon, Enero 11.
Ang biktima ay kinilala sa alyas na Florex, 48 taong gulang, na nadiskubre ang nakapanlulumong sinapit ng kanyang tahanan dakong alas-2:00 ng hapon matapos manggaling sa Antipolo City upang bumili ng mga construction materials.
Base sa imbestigasyon ng Teresa Municipal Police Station (MPS), laking gulat ng biktima nang madatnan niyang nakabukas na ang main door ng kanyang bahay. Sa pagsusuri sa loob, nagkalat ang kanyang mga gamit at nakabukas din ang pinto sa terrace sa ikalawang palapag.
Ayon sa mga imbestigador, walang nakitang senyales ng “forced entry” o pinuwersang pagkasira ng mga pinto o bintana. Gayunpaman, may mga nakitang bakas ng paa (footprints) malapit sa mga nakabukas na pinto.
Sa pagtataya ng biktima, tinangay ng mga suspek ang isang Glock 17 9mm pistol (Serial No. AFP020280) na isyu ng AFP, alahas na nagkakahalaga ng higit-kumulang P200,000, Isang Huawei na cellphone na nagkakahalaga ng P24,000 at P30,000 cash.
Naiwan naman ang mga spare magazine ng baril dahil dala ito ng biktima sa kanyang body bag nang siya ay umalis.
Nagtanong-tanong na ang mga awtoridad sa mga istambay at kapitbahay sa lugar, ngunit ayon sa mga ito, wala silang napansing kahina-hinalang tao sa paligid sa oras ng insidente.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Teresa Police upang matukoy kung paano nakapasok ang mga magnanakaw nang hindi sumisira ng pinto at upang mahanap ang mga ninakaw na gamit, lalo na ang baril na itinuturing na “hot item.” (Arnold Pajaron Jr)
