Matapos ang rehabilitasyon sa EDSA, nakatuon na ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa malawakang pagkukumpuni ng mga pangunahing kalsada at tulay sa buong bansa, kabilang ang C5 Road at ang dambuhalang Maharlika Highway.
Sa kanyang unang press briefing ngayong Lunes, Enero 12, 2026, ipinahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway ang magiging kauna-unahang komprehensibong pagsasaayos sa nasabing kalsada mula nang itatag ito noong huling bahagi ng dekada ’60.
“Kapag sinabi kong massive, ibig sabihin lahat ng segments na sira ng Maharlika Highway ay aayusin natin. Mula North hanggang South,” diin ni Dizon.
Ang Maharlika Highway ang nagsisilbing pinakamahabang road network na nagdudugtong sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon kay Dizon, inilaan ang paunang P16 bilyon para sa pondo, ngunit inaasahang tataas pa ito.
Nakatakda ring bisitahin ng kalihim ang Bicol region sa Enero 16 hanggang 17 upang suriin ang kalagayan ng kalsada.
Isasailalim din sa rehabilitasyon ang C5 Road, na nagdudugtong mula Las Piñas hanggang Valenzuela. Inamin ni Dizon na madalas masira ang kalsadang ito dahil ito ang “backbone” o pangunahing dinadaanan ng mga truck.
Target simulan ang gawaing ito sa unang bahagi (1st quarter) ng 2026.
Samantala, inanunsyo rin ng kalihim na “ahead of schedule” ang DPWH sa Phase 1 ng EDSA rehabilitation (mula Taft Ave., Pasay hanggang Orense, Makati) na inaasahang matatapos bago ang deadline sa Mayo 31.
Bukod sa malalaking highway, prayoridad din ang pagkukumpuni sa Apalit (MacArthur Highway) at Andaya Highway. Gayundin ang Buot-Taop Bridge (Cebu), Oyungan Bridge (Iloilo), Tubod-Nabuna Bridge (Misamis Occidental), at ang hanging bridge sa Kayapa, Nueva Vizcaya.
Bagama’t mas mababa ang nakuha nilang budget na P529.6 bilyon (kumpara sa hininging P881 bilyon), tiniyak ni Dizon na magiging mabilis at de-kalidad ang mga proyekto sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“Iyon ang papatunayan natin ngayon, na kapag ang pera ng taong bayan sa DPWH hindi ninanakaw, mas marami tayong magagawa, mas mababa ang presyo, mas mabilis at mas maganda pa ang quality,” pagtatapos ng kalihim.
