CEBU CITY – Isang Vietnamese national at 11 staff ng Adora Beauty Clinic ang hinuli sa isang entrapment operation matapos maaktuhang gumagawa ng illegal na beauty procedures na walang lisensya.
Nagulantang ang mga tao sa Centro Maximo Building, Brgy. Cogon Central Ramos, nang pasukin ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit 7 (RSOU7), kasama ang mga operatiba ng Regional Intelligence Division 7 at City Mobile Force Company ng Cebu City Police Office, ang nasabing beauty clinic kamakalawa.
Ayon sa reklamo ng isang concerned citizen, nag-ooperate umano ang Adora Beauty Clinic ng mga “enhancement” procedures gamit ang kung anu-anong gamot at produkto na hindi ipinaaalam sa mga kliyente. Wala rin daw itong tamang lisensya mula sa FDA at walang doktor o nurse na lisensyado.
Isang pulis na nagpanggap na kliyente ang nag-request ng lip filler treatment, at nang ito ay isagawa ng staff na hindi lisensyado, agad sumalakay ang operating team at inaresto ang 12 katao sa clinic.
Nakuha sa operasyon ang dalawang syringe ng lip filler; assorted vials, ampules, tablets at capsules; at mga syringe at cosmetic machines tulad ng RF Intensity Machine at Darme Shine Pro Machine.
Walang naipakitang FDA accreditation ang clinic na kinakailangan sa ganitong klase ng serbisyo.
Kasong paglabag sa Republic Act 9711 (FDA Act of 2009) at Republic Act 2382 (Medical Act of 1959) ang kinakaharap ng mga inaresto. Posibleng makulong ng 1 hanggang 10 taon at multang aabot ng P500,000 kapag napatunayang nagkasala.
Pinuri ni PBGEN Redrico A. Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang matagumpay na operasyon.
“Hindi kami titigil sa paghabol sa mga ilegal na aktibidad na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko,” pahayag ng heneral. “Kung may nalalaman kayong ganitong gawain, ipagbigay-alam agad sa amin!”
Kaya mga kababayan, mag-ingat! Huwag basta-basta magpaganda sa kung saan-saan—baka sa halip na gumanda, magka-aberya pa.
