Sunod-sunod ang kanselasyon ng klase sa Pasig, Cainta at Marikina ngayong Lunes, July 21, 2025, matapos itaas ng PAGASA ang Yellow Rainfall Warning dahil sa pinalakas na habagat.
Sa Pasig, awtomatikong sinuspinde ang lahat ng in-person classes mula kinder hanggang senior high school, pati na rin ang ECCD at ALS, sa parehong public at private schools.
Ito ay alinsunod sa Executive Order No. PCG-48, s. 2024 na lokal na patakaran ng lungsod.
“Hindi na kailangan ng hiwalay na anunsyo kung may Yellow Warning o Signal No. 1 pataas—automatic na walang pasok,” paalala ni Mayor Vico Sotto.
Sa Cainta, inanunsyo ni Mayor Kit Nieto ang suspensyon ng afternoon classes ngayong araw, Hulyo 21.
“Ayon sa latest bulletin ng PAGASA, may banta ng matinding ulan ngayong hapon kaya sinuspinde na natin ang panghapong klase sa lahat ng antas, public at private schools,” sabi ni Nieto.
Hindi rin nagpahuli ang Lungsod ng Marikina—sinuspinde ang lahat ng panghapong klase, face-to-face man o online, mula kinder hanggang kolehiyo, sa pampubliko at pribadong paaralan.
“Para ito sa kaligtasan ng bawat taga-Marikina, lalo na ng mga mag-aaral,” ayon sa Marikina LGU.
Batay sa ulat ng DOST-PAGASA, kasama ang Marikina sa mga lugar sa ilalim ng Yellow Warning Level ngayong araw.
Inaasahan na lilipat sa modular o online learning ang mga apektadong paaralan sa tatlong lungsod.
KAILAN AWTOMATIKONG WALANG PASOK?
- Signal No. 1 pataas – Walang pasok sa lahat ng antas
- Red & Orange Rainfall Warning – Kanselado lahat ng klase at trabaho sa paaralan
- Yellow Warning – Walang pasok sa K-12, ECCD, at ALS, at may desisyon ang LGUs kung palalawigin
“Mas mabuting ligtas kaysa magsisi! Bantayan ang lagay ng panahon at abangan ang opisyal na anunsyo ng inyong LGU,” paalala ng mga lokal na opisyal.
