Larawan mula kay Mayor Omie Rivera Jr/FB
Mariing tinutulan ni Mayor Bartolome “Omie” Rivera, Jr. ang naging direktiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at anunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na ililipat ang basura ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) simula Agosto 27, 2025.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Rivera na ikinagulat ng lokal na pamahalaan ang desisyon dahil hindi man lang daw sila nasabihan o nakonsulta bago ipatupad ang hakbang.
Paliwanag ni Rivera, ang landfill sa San Mateo ay itinayo lamang bilang alternatibong tambakan ng basura para sa bayan, at hindi ito dinisenyo upang tanggapin ang dambuhalang basura mula sa mga lungsod sa Metro Manila.
“Kung matutuloy ang plano na dalhin sa ating bayan ang lahat ng basura ng Metro Manila, manganganib tayong mapuno ang kapasidad ng landfill. Lalong lalaki ang problema sa trapiko at tataas ang banta sa kalusugan ng ating mamamayan,” ayon kay Rivera.
Binigyang-diin ng alkalde na bagama’t kinikilala nila ang kapangyarihan ng MMDA sa solid waste management, dapat pa rin itong naaayon sa Konstitusyon, national environment laws, at sa Local Government Code.
Importante aniya ang konsultasyon bago magpatupad ng mga ganitong desisyon na direktang nakaaapekto sa lokalidad.
“Nalulungkot tayo sapagkat hindi tayo naging bahagi ng pagpaplano sa kautusang ito. Kaya hinihiling natin sa MMDA na muling bigyang konsiderasyon ang kanilang pasya at magkaroon ng mas maayos na koordinasyon sa pamahalaan ng San Mateo,” dagdag ng alkalde.
Tiniyak ni Rivera na pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang kapakanan at kaligtasan ng mga taga-San Mateo, at hindi nila papayagan na malagay sa alanganin ang kalusugan at kapaligiran ng bayan.

