Larawan mula sa PhilippineStar
DINISARMAHAN at isinailalim sa preventive custody ang dalawang pulis matapos ireklamo ng isang babaeng kasamahan nila dahil umano sa panghihipo sa maselang bahagi ng katawan nito habang naka-duty, ayon sa Eastern Police District (EPD).
Kinumpirma ni EPD Director PBGen. Aden Lagradante na naganap ang insidente noong gabi ng Agosto 17 habang naka-duty ang tatlo sa Marikina City.
“Allegedly isinakay siya ng dalawa niyang kasama sa unit sa Marikina and nag-park sila sa isang area at doon nangyari ang alleged pagmolestiya sa kaniya. Allegedly ‘yun nga hinawakan siya nung kasama niya na pulis sa maselan part ng katawan niya,” pahayag ni Lagradante.
“Ang nabasa ko sa ano niya [reklamo] is only hinipuan siya but as to the sexual act hindi pa malinaw,” dagdag pa niya.
Tumagal muna ng ilang araw bago naglakas-loob na magsampa ng reklamo ang babaeng pulis. Napag-alaman na mula sila sa parehong unit ng istasyon ng pulisya.
Ayon kay Lagradante, pinadisarmahan ang mga akusado at inilagay sa restrictive custody habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ipinuwesto muna sa EPD ang biktima para sa kanyang seguridad.
Mariing itinanggi ng dalawang suspek ang akusasyon, subalit tiniyak ng opisyal na hindi palalampasin ang insidente.
“Hindi namin ito ito-tolerate,” diin ni Lagradante, sabay sabing kasalukuyan nang pinoproseso ang kaukulang disciplinary at legal na hakbang laban sa mga inireklamong pulis.
