Walang takot na nag-alok ang newly formed group na Artikulo Onse kay President Ferdinand Marcos Jr. na pangunahan ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects sa bansa.
Sa Kapihan Sa Manila Bay forum, sinabi ni Leody de Guzman, labor leader at isa sa convenors ng grupong “Citizens’ War Against Corruption,” na dapat nang maglabas ang pangulo ng executive order para bumuo ng isang independent investigating body.
“Huwag na umasa sa Senado o Kongreso o mga ahensya ng gobyerno, dahil karamihan din sa kanila ay inaakusahan din ng katiwalian. Kaya hindi magiging maayos ang imbestigasyon,” ani De Guzman.
“Para totoo at makuha ang simpatiya ng tao sa laban na ito laban sa korapsyon, dapat independent ang imbestigasyon,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung handa siyang pamunuan ang naturang body, sagot niya: “Pwede, available ako.”
Ganito rin ang inihayag ni JV Bautista, pangulo ng UNA Party at isa pang convenor.
“Hindi mo maaasahan na ang mga inaakusahan ay mag-iimbestiga sa sarili nila. Wala itong magandang kalalabasan. Tatakpan lang nila ang lahat at idedeklara ang lahat na inosente habang napupunta ang pera sa kanilang sariling bulsa. Ito ang laban na ito,” dagdag pa ni Bautista.
Kasabay nito, tiniyak ni De Guzman na dapat isulong ng pangulo ang pagpasa ng anti-political dynasty law upang masugpo ang katiwalian sa hinaharap.
“Para hindi lang ngayon, kundi sa susunod na administrasyon, hindi na mauulit ang ganitong katiwalian, dapat maipasa ang batas na ito,” wika niya.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng Senado at Kamara ang umano’y “ghost projects” matapos ibunyag ni Pangulo Marcos na 20% ng P545-bilyong flood mitigation budget ay napunta lamang sa 15 contractors. Kinumpirma rin ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ang pagkakaroon ng mga ghost flood projects sa ilang distrito ng Bulacan. (MINA PADERNA)
