Nagresulta sa serye ng operasyon ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa lalawigan ng Rizal ang pagkakaaresto ng ilang Most Wanted Persons (MWPs) sa magkaibang bayan at lungsod nitong Agosto 27, 2025.
Unang naaresto bandang alas-9:00 ng umaga sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta si alyas Bagwis, Provincial Level MWP, dahil sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act). Ang warrant ay inisyu ng RTC Branch 144, Antipolo City.
Kasunod nito, alas-10:00 ng umaga, naaresto naman sa Brgy. San Andres, Tanay si alyas Ivan, Provincial Level MWP, dahil sa kasong Attempted Murder na may P120,000 na piyansa.
Dakong 3:50 ng hapon, isinilbi sa Rodriguez Police Station ang warrant laban kay Peter Joh, Municipal Level MWP Rank No. 9, dahil sa Lascivious Conduct sa ilalim ng RA 7610. May rekomendadong piyansang P200,000 ang kaso.
Alas-4:39 ng hapon, sa Brgy. San Isidro, Angono, naaresto si alyas Noly, Provincial Level MWP, sa kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga (RA 9165).
Bandang 5:15 ng hapon, nahuli sa Marcos Highway, Brgy. Mayamot, Antipolo City si alyas Darrel, City Level MWP, dahil sa tatlong bilang ng Estafa na may tig-P8,000 na piyansa bawat kaso.
Makalipas ang ilang minuto, alas-5:40 ng hapon, naaresto rin sa Brgy. San Isidro, Rodriguez si alyas Jovani, Municipal Level MWP Rank No. 8, sa kasong Homicide na may P120,000 na piyansa.
Dakong alas-6:20 ng gabi, muling nakapagtala ng tagumpay ang Cainta Police matapos madakip si alyas Vincent, Municipal Level MWP Rank No. 3, dahil sa dalawang kaso ng paglabag sa RA 9165, na may kabuuang piyansang P240,000.
Huli namang isinilbi ang warrant alas-7:50 ng gabi laban kay alyas Ricardo, Municipal Level MWP, sa kasong pagbebenta ng ilegal na droga sa ilalim ng RA 9165. Walang piyansang inirekomenda para sa kanyang kaso.
Lahat ng operasyon ay dokumentado gamit ang Alternative Recording Devices (ARD) bilang pagsunod sa itinakdang SOP ng PNP.
Sa loob lamang ng isang araw, walong Most Wanted Persons ang naaresto sa Rizal, patunay umano ng pinaigting na operasyon ng Rizal Police Provincial Office laban sa kriminalidad.
