SA isang makasaysayang seremonya sa Supreme Court Session Hall, nanumpa ang mga bagong halal na opisyal ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) sa harap ni Acting Chief Justice Marvic MVF Leonen, bilang tanda ng matibay na ugnayan ng hudikatura at ng media sa pagsusulong ng katotohanan, pananagutan, at demokrasya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Chief Justice Leonen ang mahalagang papel ng responsableng pamamahayag sa pagprotekta sa mga institusyong demokratiko at sa tapat na pagpapahayag ng tinig ng mamamayan sa pamamagitan ng etikal na pag-uulat.
Kasama rin sa naturang okasyon si Hon. Maria Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta, na nagpugay sa PAPI sa patuloy nitong adbokasiya para sa transparency at good governance sa pamamagitan ng independent journalism.
Dumalo rin sa seremonya ang ilang tanyag na panauhin tulad nina Dr. Richard Nixon Gomez, Mr. Ronald Pagsanghan, at Dra. Lily Lim, na nagpahayag ng buong suporta sa layunin ng PAPI na ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag at integridad sa media.
Ang mga bagong opisyal ng PAPI ay sina President Rebecca “Beck” Madeja-Velásquez; Executive Vice President: Ian Israel Junio; Vice President for Luzon Alma Ochotorena, Vice President for Visayas Giecel Toriano-Albar, Vice President for Mindanao Anila Anne Acosta, Secretary Reyland Lopez, Treasurer: Leonida Cardona, Auditor May Ann Reyla, Board of Directors for Luzon Dina Diaz Luzon, Eduardo Cardona; Board of Directors for Mindanao Elpedio Bermas Soriano Jr., Joseph Denmarc Avila III; at Chairman / Director for Media Affairs: Nelson Santos.
Sa kanilang panunumpa, nangako ang bagong pamunuan ng PAPI na patuloy na pag-iisahin ang mga publisher sa buong bansa upang isulong ang propesyonalismo, etikal na pamamahayag, at makabagong pamamaraan sa media.
Bilang isa sa mga pinakamatandang at iginagalang na organisasyon sa industriya ng media, ang bagong liderato ng PAPI ay simbolo ng panibagong sigla sa kanilang misyon na palakasin ang papel ng midya bilang haligi ng demokrasya at itaguyod ang integridad, pananagutan, at pag-unlad sa larangan ng pamamahayag sa Pilipinas. (MINA PADERNA)
