BILANG pagkilala sa malaking ambag ng mga guro sa paghubog ng kabataan at ng bansa, nag-abot ng P1 milyong sponsorship ang Government Service Insurance System (GSIS) sa Department of Education (DepEd) para sa 2025 World Teachers’ Day Celebration na gaganapin sa Oktubre 6 sa Mall of Asia Arena, Pasay City, na may temang “Together for Teachers.”
Pinangunahan ni GSIS President at General Manager Wick Veloso ang pormal na turnover ng tseke, na tinanggap ni Schools Division Superintendent (NCR) Nanette Losaria sa ngalan ng DepEd.
Ayon kay Veloso, ang naturang suporta ay patunay ng patuloy na pagkilala ng GSIS sa kabayanihan ng mga guro, na aniya ay “puso ng pag-unlad ng ating bansa.”
“Sa pamamagitan ng aming suporta, nais naming parangalan ang mga guro at mailapit sa kanila ang mga programa ng GSIS na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” ani Veloso.
Ang pondong ipinagkaloob ay gagamitin sa culminating event ng pagdiriwang, kung saan libu-libong guro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lalahok bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, sakripisyo, at papel sa nation-building.
Bilang bahagi ng sponsorship, magkakaroon ng dalawang GSIS engagement booths sa venue kung saan maaring matuklasan ng mga guro ang mga programa tulad ng Lease with Option to Buy at iba pang housing initiatives; GSIS Digi ID at GSIS Touch mobile app; Ginhawa Loan Bundle (Flex, Lite, Max); at mga non-life insurance products ng GSIS.
Magbibigay rin ang GSIS ng umbrellas, notebooks, bags, at iba pang tokens bilang simpleng pasasalamat sa mga guro.
Ang P1 milyong donasyon ngayong taon ay pagpapatuloy ng P950,000 na suporta ng GSIS noong 2024, na nagpapakita ng tuloy-tuloy nitong commitment sa mga guro at sa sektor ng edukasyon.
Sa pamamagitan ng ganitong inisyatiba, muling pinagtitibay ng GSIS na ang guro ang tunay na bayani ng bayan, tagapagturo, tagapagtaguyod, at tagahubog ng kinabukasan ng sambayanang Pilipino. (MINA PADERNA)
