
Nagpahayag ng buong suporta at tiwala ang isang kilalang business group sa bagong talagang Bureau of Customs (BoC) Commissioner na si Ariel Nepomuceno, na tinawag nilang isang lider na may “great integrity” at may kakayahang baguhin at gawing moderno ang ahensiya.
Sa panayam, sinabi ni Rafael Ongpin, executive director ng Makati Business Club (MBC), na positibo ang pananaw ng kanilang mga miyembro kay Nepomuceno, na kilala sa kanyang background sa pribadong sektor.
“Napag-usapan siya sa aming club at marami sa amin ang nakakakilala sa kanya. Galing siya sa private sector at may magandang reputasyon,” ayon kay Ongpin.
Pinuri rin ni Ongpin ang katalinuhan at pagiging bukas ni Nepomuceno sa mga makabagong teknolohiya.
“Matalino siya, updated sa technology — at higit sa lahat, may integridad. Malaki ang pag-asa namin sa kanya,” dagdag pa ni Ongpin.
Bago italaga sa BoC, nagsilbi na si Nepomuceno sa ilang matataas na posisyon sa pamahalaan at pribadong sektor, dahilan upang asahan ang kanyang result-oriented at transparent leadership.
Ang suporta ng MBC ay nakikitang isang mahalagang tulak sa isinasagawang reporma sa Customs, na matagal nang kinikilala bilang isa sa mga pangunahing balakid sa maayos na kalakalan at kampanya kontra smuggling sa bansa.
Ayon sa ilang tagamasid, ang papuri mula sa business sector ay nagpapakita ng lumalaking panawagan para sa transparency at modernisasyon sa mga institusyon ng pamahalaan.
Matatandaang sinabi ni Nepomuceno na pamumunuan niya ang BoC na may diin sa transparency, digitalization, at accountability—mga haligi ng kanyang reform agenda.