Todas ang isang 27-anyos na bagitong pulis matapos aksidenteng salpukin ng isang cargo truck ang likuran bahagi ng kanyang motorsiklo sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa North Caloocan Doctors Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo ang biktimang si Pat. Kevin Pinlac, 27, nakatalaga sa Northern Police District (NPD) District Mobile Force Battalion (DMFB) at residente ng 1522 C Zone 32, Sulu St. Brgy. 323 Sta Cruz, Manila.
Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property ang driver ng Izusu Cargo Truck na may plakang (WLD276) na si Ricky Baracena, 44 ng Poblacion, Norzagaray, Bulacan.
Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni Caloocan police traffic investigator P/Cpl. Allan Saluta, Jr., dakong 8:45 ng gabi, kapwa tinatahak ng naturang mga sasakyan ang kahabaan ng Quirino Highway patungo sa Fairview, Quezon city kung saan nauna ang motorsiklo sa cargo truck.
Pagsapit sa Ascoville, Malaria Brgy. 185, Caloocan City ay bigla na lamang umanong huminto ang biktima na naging dahilan upang mawalan ng control ang driver ng cargo truck at bumangga sa likurang bahagi ng motorsiklo. Sa lakas ng impact, nagtamo ng pinsala sa ulo ang biktima na mabilis isinugod sa naturang pagamutan ng rumespondeng Sinukuan Rescue habang sumuko naman sa pulisys si Baracena.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA