May 18, 2024

BADING KINATAY SA LOOB NG TINDAHAN

Larawan mula kay Rey Yruma Capoquian

TADTAD ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang madiskubre ang bangkay ng isang bading sa loob ng kanyang inuupahang tindahan matapos itong mangamoy sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Sa nakarating na report kay Malabon Police Chief Col. Angela Rejano, ala-1:40 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Emy Yruma, 44, store owner, sa loob ng kanyang inuupahang tindahan sa 22 Don Basilio Bautista Boulevard, Brgy. Hulong Duhat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Jose Romeo Germinal, nakaamoy ng mabahong amoy ang kagawad na si Teodoro “Ted” Bernabe, 69, mula sa loob ng tindahan ng biktima na mula pa noong Sabado ng umaga ay sarado.

Dahil dito, nagpasya ang saksi kasama ang mga barangay tanod na sirain ang padlock ng tindahan sa pahintulot ng may-ari ng inuupahang tindahan na si Alberto Bernabe.

Nang mabuksan ang rolled-up door, tumambad sa mga saksi ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa sahig at namamaga na ang katawan nito kaya’t agad nilang ipinalaam sa pulisya ang insidente.

Lumabas sa cursory examination ng rumespondeng mga tauhan ng NPD-SOCO sa pangunguna ni P/Capt. Sonny Boy Tepace, nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima.

Ipinag-utos na ni Col. Rejano sa kanyang mga tauhan ang pagsasagawa ng follow-up imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo nsa insidente.