SWAK sa kulungan ang isang babae na wanted sa kaso ng iligal na droga matapos maaresto sa pinaigting na manhunt operation ng pulisya sa Navotas City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng akusado na 36-anyos na housewife.
Ang akusado ay kabilang sa mga talaan ng Most Wanted Person (MWP) sa Malabon City Police Station kaya agad ikinasa ng mga tauhan ng NPD ang pagtugis sa kanya.
Dakong alas-11:00 ng Lunes ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng NPD ang akusado sa Barangay BBS, Navotas City.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 290, Malabon City, noong June 28, 2021 para sa paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng R.A. 9165 na may inirekomendang piyansa na P200,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa DACU NPD ang akusado habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
