Malinaw pa sa sikat ng araw ang kagalakan ni Calvin Abueva sa kanyang paglipat sa Converge FiberXers para sa PBA 50th Season Commissioner’s Cup.
Sa isang panayam matapos ang kanilang tune-up game laban sa Phoenix noong Martes, inihayag ng 38-anyos na veteran forward na tila “nagbalik-bayan” siya sa bagong koponan.
Ang paglipat ni Abueva mula sa Titan Ultra kapalit nina Rey Suerte, King Caralipio, at Mark Denver Omega ay naging espesyal dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga kapwa Kapampangan sa koponan.
Para kay Abueva, isang “full circle moment” ang muling makasama ang kanyang mentor at patron na si Converge Coach Dennis ‘Delta’ Pineda. Si Pineda ang nakadiskubre kay Abueva sa Pampanga bago ito sumikat sa San Sebastian College noong kolehiyo.
“Simula nung dumating ako sa larangan ng basketball, siya ‘yung nag-ano sa akin dito. Siya rin ang magiging last option ko pag natapos na career ko,” ani Abueva. “Nung time na nasa Baste kami, siya ang humawak. Now, bago ako mag-retire siya pa rin. And that’s good news for me.”
Bagama’t galing sa isang impresibong conference sa Titan Ultra kung saan naging kandidato siya para sa Best Player of the Conference, inamin ni Abueva na plano na niyang mag-retiro sa Converge—ngunit may isang mahalagang kondisyon.
“Oo, after nito. Kailangan lang makakuha ng championship,” diin ni Abueva.
Gayunpaman, nilinaw ng “The Beast” na hindi agad-agad darating ang tagumpay. Ayon sa kanya, kailangan pa ng masusing “adjustment” at pagsisikap dahil bago pa lamang siya sa sistema ng koponan.
Sa ngayon, nakatuon ang atensyon ni Abueva sa pag-usad ng kanilang progress upang matulungan ang FiberXers na makasungkit ng titulo sa prestihiyosong ika-50 season ng liga. (Ron Tolentino)
