
TODAS ang isang babaeng rider matapos magulungan ng isang pampasaherong jeep nang bumagsak ang biktima makaraang mawalan ng kontrol sa Caloocan City.
Lumabas sa imbestigasyon ng Caloocan Police IDMS-Traffic, kapwa tinatahak ng biktima na sakay ng kanyang motorsiklo at ng pampasaherong jeep ang kahabaan ng Mac Arthur Highway patungong Valenzuela City.
Pagsapit sa kanto ng Calle Uno, Brgy. 81, dakong alas-7:31 ng umaga ay nawalan umano ng kontrol ang biktima sa minamanehong motorsiklo na dahilan upang matumba at bumagsak sa ilalim na kaliwang bahagi ng pampasaherong jeep.
Dahil dito, nagulungan ang biktima ng jeep na mabilis namang isinugod ng rumespondeng ambulansya ng DRRMO sa Caloocan City Medical Center subalit, idineklara siyang dead-on-arrival ng attending physician.
Dinakip naman ng pulisya ang driver ng pampasaherong jeep na si alyas “Jimmy”, 48, ng Brgy. Malinta, Valenzuela City na nakapiit ngayon sa Custodial Facility Unit ng Caloocan Police at mahaharap sa kaukulang kaso. (JUVY LUCERO)
