SHOOT sa selda ang isang umano’y notoryus na holdaper na bumiktima sa isang Indian national matapos masakote ng pulisya sa isinagawang follow up operation sa Caloocan City.
Ayon kay P/Capt. Romel Caburog, Acting Chief ng Station Investigation Detective Management Section (SIDMS) ng Caloocan Police, naniningil umano ng pautang ang 20-anyos na biktimang Indian national sa Brgy., 14, nang lapitan ng suspek.
Tinutukan ng baril ng suspek ang biktima sabay pahayag ng “Holdap ito, akin na ang pera mo!” na sa takot naman sa kanyang kaligtasan ay ibinigay ng Indian national ang pera nitong nagkakahalaga ng P4,000.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang humingi naman ng tulong sa pulisya ang biktima.
Sa isinagawa namang follow up operation ng mga tauhan ni Caloocan Police OIC Chief P/Col. Joey Goforth, ay naaresto ang suspek na si alyas “Carding”, 28, at nakuha sa kanya ang isang gun replica na ginamit sa panghoholdap habang hindi na nabawi ang pera na tinangay sa biktima.
Ayon kay Capt. Caburog, marami na umanong record ng pagnanakaw at snatching sa Brgy., 14 ang suspek na mahaharap ngayon sa kasong Robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (JUVY LUCERO)
