Sentro ng plataporma ni Red Llaga, kandidato para sa pagkakongresista sa Ikalawang Distrito ng Antipolo, ang pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan at pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan sa darating na Special Election sa Marso 14.
Sa panayam ng PaMaMaRisan-Rizal Press Corps, binigyang-diin ni Llaga ang kagyat na pangangailangan para sa isang Department of Health (DOH) government tertiary hospital sa lungsod.
Ayon sa kanya, sa kabila ng paglaki ng populasyon ng Antipolo na lumalagpas na sa isang milyon, marami pa rin ang napipilitang lumuwas sa Marikina at Quezon City para lamang makakuha ng de-kalidad na serbisyong medikal.
“Kailang-kailangan na namin ng isang malaking public government hospital sa lungsod upang matugunan ang pangangailangan sa pagpapagamot,” ani Llaga.
Bukod sa kalusugan, plano rin ni Llaga na isulong ang “Manila rate” para sa minimum wage sa Antipolo upang mapantayan ang sahod sa Metro Manila.
Nais din niyang palakasin ang turismo at magbukas ng mas maraming oportunidad sa digital service work at Virtual Assistant positions para sa mga kabataan at video editors sa lungsod.
Direktang sinagot ni Llaga ang mga batikos na siya ay isang “bagito” sa politika.
Ayon sa kanya, ang pagiging bago sa larangan ay isang bentahe dahil wala siyang bahid ng korapsyon o koneksyon sa tradisyunal na politika.
Hayagan din niyang sinusuportahan ang Anti-Dynasty Law upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong mamamayang may tapat na layuning magsilbi.
Pinuna niya ang “kamag-anak system” sa gobyerno na aniya’y nagiging ugat ng sabwatan at kawalan ng maayos na serbisyo publiko.
“Wala pong bahid si Red Llaga dahil wala pa tayong karanasan sa anumang uri ng korapsyon o katiwalian,” dagdag pa niya.
Nangako rin siya na magpapatupad ng taunang “Congressional Report” upang maging bukas sa publiko ang lahat ng talaan ng pananalapi at mga proyekto ng distrito. Layunin nito na matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga tamang programa at hindi sa bulsa ng iilan.
Ang special election sa ikalawang distrito ng Antipolo ay gaganapin sa Marso 14, 2026, matapos mabakante ang pwesto ng yumaong si Congressman Romeo Acop.
Inaasahang magiging mahigpit ang laban sa pagitan nina Llaga, Bong Acop, at iba pang mga independent candidates.
