Muling napatunayan ang galing ng boses ng Pilipino sa pandaigdigang entablado matapos hirangin ang Kapuso singer at Sparkle artist na si Arabelle Dela Cruz bilang Grand Champion ng international singing competition na ‘Veiled Cup’ sa South Korea. Sa gitna ng matinding bakbakan sa loob ng ilang linggo, dinaig ng 25-anyos na mang-aawit ang mga pambato ng iba’t ibang bansa sa Asya, kabilang ang mga kinatawan mula sa Bangkok, Vientiane, at South Korea mismo.
Ang pagkapanalong ito ay itinuturing na isang malaking milestone dahil si Dela Cruz ang kauna-unahang Pilipino na nakasungkit ng titulo sa nasabing kompetisyon sa labas ng bansa.
Kapansin-pansin ang tila mapaglarong tadhana sa karera ni Dela Cruz dahil sa kabila ng pagiging “perennial finalist” sa mga malalaking singing contest sa Pilipinas, sa ibang bansa pa niya natagpuan ang kanyang kauna-unahang championship title.
Matatandaang dalawang beses siyang tumapos bilang first runner-up sa The Clash ng GMA Network (Season 5 at Season 7) at naging grand finalist din sa ikalawang season ng Tawag Ng Tanghalan noong 2016.
Ang kanyang tagumpay ay may pagkakahawig sa naging biyahe ni Sofronio Vasquez, na nagwagi naman sa The Voice sa Estados Unidos; kapwa sila naging pambato ng iisang batch sa telebisyon sa Pilipinas ngunit sa ibayong dagat lamang tuluyang kinoronahan bilang mga kampeon.
Ang paglalakbay ni Arabelle patungong South Korea ay nagsimula sa Veiled Musician Philippines na napanood sa All-Out Sundays, sa ilalim ng pamamahala ng GMA Entertainment Group.
Mula sa labindalawang kalahok na sinala ng mga huradong sina Mark Bautista, Rita Daniela, at Julie Anne San Jose—kasama ang K-pop icon na si Tiffany Young—napili si Dela Cruz kasama sina Garrett Bolden at Thea Astley upang irepresenta ang Pilipinas.
Sa huli, ang kakaibang format ng Veiled Cup, kung saan nagtatanghal ang mga singer sa likod ng belo upang bigyang-diin ang purong talento sa pagkanta, ang naging perpektong plataporma para ipakita ni Arabelle ang kanyang bagsik at husay sa buong Asya.
