Bumuhos ang pag-aalala para kay Aira Bermudez, miyembro ng iconic girl group na SexBomb Girls, matapos itong maaksidente sa gitna ng kanilang rAWnd 4 Reunion Concert na ginanap sa Mall of Asia Arena.
Sa mga video na kumalat sa social media, makikita ang tila “face-first” na pagbagsak ni Bermudez sa sahig ng entablado matapos umanong mabitawan ng isa sa mga backup dancers habang isinasagawa ang isang mapanganib na routine. Agad na ikinabahala ng mga tagahanga ang pangyayari, lalo na’t kilala ang grupo sa kanilang mga pisikal at punong-puno ng enerhiyang pagtatanghal.
Bukod kay Bermudez, iniulat din na naaksidente ang kapwa miyembrong si Aifha Medina, na kalaunan ay nakitang inilalabas ng venue gamit ang wheelchair para dalhin sa ospital.
Sa kabila ng tensyon, nagpaabot ng panalangin at suporta ang mga orihinal na miyembro gaya nina Sugar Mercado at Cynthia Yapchingco, na kapwa nagpuri sa propesyonalismo ng dalawa.
Ayon sa mga saksi, maging ang mga producers na sina Nancy Yang at Susan Lim ay kitang-kita ang pag-aalala habang sinusuri ang kalagayan ng mga nasaktang miyembro.
Gayunpaman, noongLinggo, Pebrero 8, mismong si Aira na ang nagpakalma sa publiko sa pamamagitan ng isang post sa Facebook.
Siniguro niya sa lahat na siya ay nasa mabuting kalagayan at walang seryosong pinsalang tinamo, sabay deklara na handa siyang ituloy ang laban para sa huling yugto ng kanilang concert.
Buong tapang na binanggit ni Bermudez na bagama’t bumagsak at naaksidente, hindi siya pinalaki ng SexBomb para sumuko kundi para bumangon at lumaban.
Kinumpirma rin ng NY Entourage Productions na nasa stable na kondisyon na sina Bermudez at Medina matapos ang mga isinagawang medical evaluation.
Sa kabila ng hindi inaasahang insidente, nananatiling mataas ang suporta ng mga fans para sa grupo, na muling napatunayan ang kanilang tibay at “enduring legacy” bilang isa sa mga pinakamahalagang pop culture icons sa Pilipinas. Ang kanilang pagtayo mula sa sakuna ay nagsilbi lamang na inspirasyon para sa kanilang nalalapit na rAWnd 5 finale.
