Kung may telenovela ang politika, si Royina Garma ang kontrabidang biglang ginawang bida.
Isipin ninyo mga ka-Sampaguita, dati siyang inirereklamo sa PCSO, idinadawit sa katiwalian at mismong pinangalanang utak sa pagpatay kay dating police general Wesley Barayuga. Pero ngayon? Siya raw ang “star witness” laban kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ang tanong ng bayan, puwede bang gawing testigo ang may kasong murder at sangkot sa malalaking katiwalian?
Ayon kay Justice Secretary Remulla, mismong gobyerno ang nag-facilitate ng biyahe ni Garma papuntang Malaysia para makausap ang ICC. Kung totoo ito, kitang-kita na kahit pa sabihing “hindi tayo makikipagtulungan sa ICC,” tahimik na kumikilos ang Marcos Jr. administration para buwagin ang bantayog ni Duterte.
Pero teka, dapat ba tayong maniwala agad kay Garma? Ang history niya sa PCSO hindi biro. Mantakin ninyo, P80 bilyon ang nawala, pamilya’t kaibigan pinasok sa ahensya, P2 milyon tinulak sa sariling party list, pati ex-husband kumita ng P50 milyon. Sa sobrang baho, parang hindi mo alam kung testigo ba siya o dapat siya mismo ang nakaupo sa bangko ng mga akusado.
Ang sabi ni dating senador Antonio Trillanes, crucial si Garma dahil alam niya mismo ang istruktura ng Davao Death Squad, at may koneksyon pa raw sa tinatawag na “Bong Go Death Squad.” Kung totoo, delikado ito para kay Go na hanggang ngayon ay tikom ang bibig sa issue. Kung matuloy, baka siya na ang kasunod na hahabulin ng ICC warrant.
Pero heto ang matinding irony: para mapabagsak si Duterte, kailangang umasa sa testimonya ng isang taong kasing dumi rin ng sistemang gusto nating gibain.
Kung baga sa sabungan, ipapasok mo ang manok na may tama na para labanan ang mas malaking sabungero. Oo, puwedeng makapuntos, pero siguradong duguan rin sa dulo.
Ang tanong natin mga ka-Sampaguita, hanggang saan natin kayang tanggapin ang maruming saksi para lang mailantad ang mas malaking kasamaan?
